Monday, November 23, 2009

Juan Nakpil



Si Juan Nakpil (1899-1986), unang Pambansang Alagad ng Sining sa Arkitektura, ay ang unang Pilipino na nakasama sa American Institute of Architects.

Ipinanganak siya noong 26 Mayo 1899 sa Quiapo, Maynila at supling nina Julio Nakpil at Gregoria de Jesus.



Edukasyon at Karera

Nagtapos siya sa Manila High School noong 1917 at kumuha ng pagka-inhinyero sa Unibersidad ng Pilipinas. Habang nasa UP, nag-aral siya ng malayang pagguhit, pagpipinta, at decorative arts sa ilalim ni Fabian de la Rosa at Fernando Amorsolo, at sa eskultura, sa ilalim naman ni Maestro Ocampo.

Matapos ang dalawang taon, nagpunta siya sa Estados Unidos at pumasok sa University of Kansas, kung saan natamo niya ang kanyang Batsilyer sa Agham sa civil engineering noong 1922. Nagpunta rin siya sa Pransiya noong 1925 at kumuha ng kursong Arkitektura sa Fountainbleau School of Fine Arts, kung saan natanggap naman niya ang kanyang diploma d'architecture. Nakamit niya ang kanyang M.D. sa Harvard University sa ilalim ng Joseph Evelynth fellowhip.

Sa kanyang pagbabalik sa Maynila noong 1926, naging assistant architect siya ng Bureau of Public Works. Sumapi rin siya sa Andres Luna de San Pedro firm at naging tagadisenyo ng Don Gonzalo Puyat.

Mga Dinisenyong Istruktura

    * Geronimo de los Reyes Building
    * UP administration building and library
    * Quezon Institute
    * gusali ng Social Security System
    * State and Ever Theaters
    * International Eucharistic Congress altar, 1937
    * Magsaysay Building
    * Rizal Theater
    * Capitol Theater
    * Captain Pepe Building
    * Manila Jockey Club
    * Avenue Hotel and Theater
    * Rufino Building
    * Philippine Village Hotel
    * Philippine Trust Building

Isinailalim din niya sa restorasyon ang Quiapo Church at ang bahay ni Rizal sa Calamba, Laguna.

Mga Parangal

    * Architect of the Year, 1939, 1940, 1946
    * Gintong medalya ng pagkilala mula sa Institute of Architects, 1950
    * Most Outstanding Professional in Architecture, 1951 mula sa Philippine Association of Board Examiners
    * Honorary correspondent member ng Societe de Architectes par le Gouvernement Francais, 1952
    * Chevalier de la legion d'Honneur, 1955
    * Presidential Medal of Merit mula kay Presidente Ramon Magsaysay noong 1955
    * correspondent member ng Colegio de Arquitectos de Chile, 1956
    * Patnubay ng Sining at Kalinangan Award, 1968
    * Republic Cultural Heritage Award, 1971
    * Rizal Pro Patria Award, 1972
    * Pambansang Alagad ng Sining, 1973

Binawian siya ng buhay noong 7 Mayo 1986 sa gulang na 87 at inilibing sa Libingan ng mga Bayani.

Saturday, November 21, 2009

Ildefonso Santos



Si Ildefonso P. Santos ay isang makata na isinilang sa bayan ng Malabon, sa nayon ng Baritan noong ika-23 ng Enero, 1897. Kaisa-isang anak siya nina Andres Santos at Atanacia Santiago.

Nahilig si Ildefonso sa pagsusulat ng mga tula dahil sa kanyang pinsang si Leonardo Dianzon na isang makata na naglalathala sa babasahing Ang Mithi. Si Dianzon ang nakatuklas kay Ildefonso nang mabasa niya ang tula ng pag-ibig na sinulat ni Ildefonso. Si IƱigo Ed Regalado ay humanga rin kay Ildefonso. Doon na nagsimula ang kanyang pagsulat ng mga tula. Ginamit niyang sagisag-panulat ang Ilaw Silangan.

Natapos si Ildefonso Santos ng kursong edukasyon. Nang simulang ipaturo ang Pambansang Wika, siya ang kauna-unahang nagturo ng Pilipino sa National Teacher's College. Nagturo rin siya sa Baguio Vocational Normal School. Hindi lamang siya guro, siya ay mahusay na tagapagsaling-wika at makata.

Si Ildefonso Santos ay isa sa mga kinikilalang manunulat sa Tagalog noong panahon ng Amerikano. Kahanga-hanga ang kariktan ng kanyang mga tula dahil sa pananalitang ginamit niya. Isa raw siya sa mahusay at maingat magsulat ng mga tula avon sa mga kritiko. Ang kanyang mga tula ay simple at karaniwan, ngunit puna ng diwa at damdamin. Ang ilan sa kanyang mga tula na mababanggit ay Tatlong Inakay, Gabi, Ang Guryon, Sa Tabi ng Dagat, Ulap at Mangingisda. May mga tanaga rin siyang naisulat tulad ng Palay, Kabibi at Tag-init.

Siya ay ama ni Ildefonso P. Santos, Jr. na Pambansang Alagad ng Sining ng Pilipinas para sa Arkitektura noong taong 2000.


Tuesday, November 17, 2009

Wenceslao Q. Vinsons





Si Wenceslao Q. Vinsons ay naging Gobernador at tinitingalang lider ng mga gerilya sa Bicol ay isinilang noong Septyembre 28, 1910 sa Camarines Norte. Matalino siyang anak nina Gabino Vinzons at Engracia Quinito. Naging masigasig na estudyante si Wenceslao mula pagkabata. Tinapos niya ang elementarya sa maliit na bayan ng Indan at naging valedictorian siya ng Camarines Norte High School.

Ang buhay sa kamaynilaan ay totoong pakikipagsapalaran. Ipinakita ni Wenceslao ang talino niya nang makapasok siya sa Unibersidad ng Pilipinas. Inihalal siya dito bilang presidente ng Student Council at tinanghal na Editor-in-Chief ng Philippine Collegian. Tinapos niya sa nasabing unibersidad ang Bachelor of Laws.

Noong 1933 ay pumangatlo siya sa bar examination. Ang kagalang-galang na katauhan at ang tayog ng kaisipan ay naging puhunan niya upang maging delegado siya sa Constitutional Convention noong 1934. Sa gulang na 23, nahalal siya bilang namumukod tanging kabataan sa larangan ng pulitika.

Ang pagiging pulitiko at tagapaglingkod sa bayan ay nagkakaugnay. Kapag nagtagumpay ka sa pulitika ay higit na malawak ang maitutulong mo sa mga tao. Ito ang naging panuntunan ni Wenceslao kaya batang-bata pa lang ay tumulong na siyang sumuporta sa mga lider kandidato ng bansa. Sa labanang Aguinaldo bersus Quezon bilang pangulo, masigasig niyang ikinampanya si Aguinaldo. Sa init ng kabataan ni Wenceslao, may mga pagkakataong nadadarang siya sa sining ng pagtatalumpati kaya nahahabla sa libelo at sedisyon. Sa sistematikong pagpapaliwanag niya sa hukom ay lagi at lagi siyang naaabswelto.

Ang katapatang maglingkod sa bayan ang naghatid sa kaniya upang mahalal na Gobernador ng Camarines Norte noong 1940.

Nang dumating ang mga Hapon noong 1941 ay nanawagan si Wenceslao sa mga boluntaryong nais sumama sa grupo ng mga gerilyang itinatag niya. Naniniwala siyang kailangan ang sariling sikap upang labanan ang mga mandirigmang kaaway ng bayan. Bilang isang tunay na lider, gusto niyang pangalagaan ang mga kababayan na nasasakupan sa mga oras ng kagipitan. Ipinag-utos ng Gobernador sa lahat ng may nakaimbak na palay at mais na mamahagi ng mga produkto sa bawat pamilyang nangangailangan nito.  Pinagbawalan niya ang mayayamang mangangalakal na huwag magtamasa ng sobrang tubo sa anumang bagay na ipinagbibili nila. Ang mga may karamdaman naman para sa kaniya ay dapat lang kaagad malunasan ng libreng gamot at instrumentong pangmedisina lalo na sa panahon ng giyera.

Para kay Wenceslao, kung sa panahon ng kapayapaan ay tumutulong ang gubyerno, lalo itong dapat mamuno sa pag-abot ng kamay sa oras na dinidigma ang mga tao. Sa panahon ng labanan, pinagbuklud-buklod ng Gobernador ang mga damdamin ng mga kababayan niya. Pinagsama-sama niya ang mga puso ng mga gerilya. Maraming kaaway na napatay ang mga tauhan ng abugado. Napalawak niya sa buong kabikulan ang mga tagasunod niya. Sa pakikipagtulungan sa iba pang pinuno ng karatig lalawigan ay nakatikim si Wenceslao ng maraming tagumpay sa digmaan. Isa rito ang pagsalakay niya sa mga kulungang panlalawigan ng Camarines Norte, Camarines Sur at Sorsogon kung saan pinakawalan niya ang maraming Pilipino at Amerikanong nabihag ditto.

Ang pasaning krus ay dumating kay Wenceslao nang ituro siya ng isang Makapiling nagngangalang Villaluz bilang lider ng mga gerilya. Sa sobrang galit ng mga Hapon ay pinarusahan ang Gobernador. Tinakot siya ng mga kaaway na papatayin daw kung hindi ibibigay ang listahan ng mga kasamang gerilya na nagsisipagtago sa mga liblib na pook. Inalok ng mga Hapon ang Gobernador na bibiyayaan ng maraming handog itaguyod lang nito ang Co-Prosperity Sphere na itinitindig ng mga singkit. Bigo ang mga Hapon sapagkat nanindigan ang makabayang nagmamahal sa pagka-Pilipino ng mga Pilipino. Sa sobrang galit ni Major Tsuneoka Noburo ay binayoneta ng Hapon ang Gobernador na ikinasawi nito.

Ang katapangan ni Wenceslao Vinzons sa panahon ng kapayapaan at digmaan ay kabayanihang dapat hangaan ng sambayan. Sa panahon ng digmaan, kinalimutan niya ang sariling kapakanan maitindig lamang ang minimithi nating kalayaan. Iyan ang totoong kadakilaan.
           
Para sa mas malawak na kaalaman tungkol kay Wenceslao Q. Vinsons bisitahin ang websayt na ito http://www.freewebs.com/vinzonstree/

Thursday, November 12, 2009

Fidel V. Ramos



Si Fidel Valdez Ramos (ipinanganak Marso 18, 1928) ang ikawalong pangulo ng ikatlong Republika ng Pilipinas (Hunyo 30, 1992 - Hunyo 30, 1998). Isinilang siya noong Marso 18, 1928 sa Lingayen, Pangasinan. Panganay siya sa tatlong anak nina Narciso Ramos at Angela Valdez.


Nagtapos siya sa United States Military Academy sa West Point noong 1950. Kumuha rin siya ng masteral ng civil engineering sa University of Illinois, Msters in Business Administration sa Pamantasang Ateneo de Manila, at nanguna sa klase niya sa Infantry training at kursong Special Forces/Pay Operations/Airborne sa Fort Benning, Georgia.

Bumalik siya sa Pilipinas noong 1951 at naging heavy weapon platoon leader ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas. Ipinadala rin siya sa mga digmaan ng Korea at Vietnam. Naging tanyag siya sa pamumuno sa isang pulutong ng mga sundalong tumalo sa pwersang komunista ng mga Tsino sa Labanan sa Burol ng Eerie. Kabilang sa mga medalya at parangal na natanggap niya bilang sundalo ang Philippine Legion of Honor, ang Gold Cross, ang Philippine Military Merit Medal, ang United States Legion of Merit, ang French Legion of Honor at ang U.S. Military Academy Distinguished Award.

Inatasan siyang maging pinuno ng Philippine Constabulary noong 1972, hepe ng Integral National Police noong 1975, at pangalawang pinuno ng Sandatahang Lakas noong 1981. Noong 1983, pansamantala niyang pinalitan si Fabian Ver, pinuno noon ng Sandatahang Lakas, nang ito ay masangkot sa pagkakapaslang sa lider - opososyon si Benigno S. Aquino Jr.

Noong 1986, tinangkaang agawin ni Ferdinand Marcos ang pagkapanalo ni Corazon Aquino, balo ni Benigno Aquino, sa halalang pangpanguluhan. Nakiisa si Ramos kay Juan Ponce Enrile, noong kalihim ng Tanggulang Pambansa, sa pagkubkobsa mga himpilan ng sandatahang lakas. Ang sumunod dito ay tinaguriang People Power Revolution na nagtulak kay Marcos na lumikas patungong Estados Unidos. Naluklok si Aquino sa pagkapangulo. Ginawang ni Aquino na hepe ng sandatahang lakas si Ramos. Pagkaran ng dalawang taon, si Ramos ay naging kalihim na Tanggulang Pambansa.

Noong 1992, tumakbo siya at nanalong pangulo ng bansa. Bilang pangulo, naging priyoridad niya ang pagsasaayos sa estruktura ng pamahalaan, na nagbigay ng karagdagang kapangyarihan sa pamahalaang lokal. Hinikayat niya ang dayuhang pamumuhunan, lalo na sa turismo, na naging bahagi ng kanyang programa para sa kaunlaran.

Si Fidel V. Ramos ay kasal kay Amelita Martinez at mayroon silang limang anak na babae.

Wednesday, November 11, 2009

Manuel L. Quezon




Ipinanganak si Manuel L. Quezon sa Baler, sa lalawigan ng Tayabas (tinatawag na ngayong Aurora) noong Agosto 19, 1878. Anak siya nina Lucio Quezon at Maria Dolores Molina, kapwa mga guro. Nagtapos siya ng pag-aaral mula sa Colegio de San Juan noong 1893.


Bilang isang binata, nakilahok siya sa pag-aalsa laban sa mga Kastila. Nakipaglaban din siyang kasama ng mga Pilipinong Nasyonalista sa panahon ng Digmaang Pilipino-Amerikano, bilang katulong ni Emilio Aguinaldo. Naipakulong siya dahil sa gawaing ito. Makaraang palayain, nanumpa siya ng katapatan sa Estados Unidos.

Naging manananggol si Quezon sa Baler. Noong 1906, nahalal siya bilang gobernador ng lalawigan ng Tayabas, ngunit nagbitiw upang makapangampanya para sa Asambleya ng Pilipinas, kung saan nakamit niya ang pagiging pinuno ng Asambleya. Mula 1909 hanggang 1916, nagsilbi si Quezon sa Estados Unidos bilang naninirahang komisyonero para sa Pilipinas. Sa panahong ito naipasa ang Batas Jones (Jones Act), nagtatanggal sa Komisyon sa Pilipinas ng Estados Unidos at nagbibigay ng mas mataas na antas ng pamamahala sa mga Pilipino. Dahil dito, itinuring na bayani si Quezon nang muli siyang magbalik sa Pilipinas.

Sa sumunod na dalawang taon, naglingkod siya bilang pangulo ng Senado ng Pilipinas. Noong 1935, nanalo si Manuel L. Quezon sa unang halalan ng pagkapangulo ng Pilipinas sa ilalim ng bagong Komonwelt ng Pilipinas, laban kina Emilio Aguinaldo at Obispo Gregorio Aglipay. Muli siyang nahalal noong 1941.

Pagkaraan ng pananakop ng Hapon sa Pilipinas sa panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, tumakas siya papuntang Australya, at pagkaraan nagtuloy sa Estados Unidos. Sa dalawang bansang ito niya pinamunuan ang pamahalaan ng Pilipinas habang malayo sa bansa.

Nagkasakit ng tuberkulosis si Quezon at namatay sa Saranac Lake, Franklin County, New York noong Agosto 1, 1944 sa gulang na 66. Unang inilibing ang kanyang labi sa Arlington National Cemetery. Pagkaraan, ang kanyang labi ay inilibing muli sa Maynila, sa Manila North Cemetery at inilipat sa Lungsod Quezon sa loob ng monumento sa Quezon Memorial Circle.



Ipinangalan sa kaniya ang Lungsod ng Quezon sa Kalakhang Maynila at ang lalawigan ng Quezon.