Sunday, June 21, 2009

Hal Santiago






Ang pangalang Hal Santiago ay bantog sa mga nobelang gaya ng Pinoy Haudini, Talim, at ang The Hands. Ang  The Hands ang nagbigay sa kanya ng karangalan bilang Best Written and Illustrated Novel by an Artist from the komiks contributors' association,(WIKA) noong 1984.

Talambuhay

Isinilang noong 1935, isa sa pinakamagagaling na Pilipinong ilustrador si Dominador “Hal” Santiago. Nagsimula siya sa kaniyang karera bilang isang dibihista sa Bulaklak Magazine noong unang mga taon ng dekada 50's. Siya ay naging isang freelance artist ng iba't ibang mga publishing houses na naglilimbag ng mga komiks-magazines.

Bilang isang Dibuhista

Noong kalagitnaan ng dekada 60's, sinimulan ni Hal ang kaniyang pakikipag-ugnayan sa kaniyang kaibigan at idolo, ang sikat na Amerikanong ilustrador na si Hal Foster na gumuhit ng Tarzan noong 1929. Nagbigay daan ang kanilang pagiging malapit upang magkaroon ng lakas ng loob si Hal na subukan ang mundo ng komiks. Ang kanyang idolo ang kanyang naging inspirasyon at siyang naging ugat nang pagsilang ng isang Hal Santiago.

Taong 1967 nang siya ay pumasok sa PSG Publications na pagmamay-ari ng isa ring manunulat ng komiks na si Pablo S. Gomez. Sa mga panahong ito nilikha ni Hal ang kanyang mga dibuho sa mga obra na gaya ng ”Durando”, “Kuwatro”, at ”Ang Kampana ng Sta. Quiteria”. Bagama't bahagyang naimpluwensiyahan ng isa ring manunulat ng komiks na si Nestor Redondo ang kaniyang mga likha, kinalaunan ay napaunlad niya ang kaniyang sariling istilo. Ang kaniyang kahusayan at angking galing sa pagguhit ay kinikilalang tanyag hanggang sa kasalukuyang panahon.
 
Mga Obra at Parangal

Dekada 70's nang sinubukan ni Hal na gumawa ng sarili niyang mga nobela, at ang lahat ng mga ito ay naging mga katangi-tanging mga graphic novels . Ilan sa mga ito ay ang “Pinoy Houdini”, “The Hands”, “Talim”, at ang "Weird Science".

Nakilala din si Hal sa kaniyang unang nobela sa komiks, ang “Tatlong Hari” na iginuhit para sa “United Komiks”, na isinulat ni Rene Rosales at nilimbag ng PSG Publishing House. Bilang isang Class A na dibuhista sa Atlas Publications, siya ay nakipagtulungan sa mga kilalang mga personalidad sa larangan ng komiks katulad nila Jim M. Fernandez, Vic J. Poblete, at Carlo J. Caparas upang gumuhit sa isa sa mga katangi-tanging nobela ni Danilo Roman, ang Shanghai Joe.

Ayon kay Jim M. Fernandez, isang manunulat ng komiks, itinuturing niya si Hal Santiago bilang ”Raphael of Komiks Illustrators”.

No comments:

Post a Comment