Wednesday, August 12, 2009

Vicente Lim



Si Vicente ay ipinanganak sa Calamba, Laguna noong Pebrero 24, 1888. May magandang kabuhayan ang pamilyang pinanggalingan niya. Ama niya si Jose Lim, mayamang Tsino at ina naman niya si Antonia Podico, kilalang negosyante.

Bata pa lang ay napahilig na sa mga laro si Vicente. Naniniwala siyang ang malusog na isipan ay dapat itambal sa malusog ding pangangatawan.

Ang pagpapaunlad ng kaisipan ay sinikap alalayan ni Vicente. Lagi at laging pinahahalagahan niya ang pag-aaral. Ang edukasyong primarya ay kinuha niya sa Calamba; ang intermedya ay pinagpaguran niya sa Tanauan at ang hayskul ay tinapos naman niya sa Sta. Cruz.

Una niyang pinangarap ang maging guro kaya tinapos niya ang kursong Edukasyon sa Philippine Normal School noong 1908. Nauwi sa pagsusundalo ang kapalaran ni Vicente noong maipasa niya ang eksamen para sa mga piling-piling kadete ng US Military Academy.  Tinapos niya ang kurso sa West Point noong 1914.

Unang nanungkulan bilang Second Lieutenant sa serbisyo militar ng Estados Unidos si Vicente. Nang maging First Lieutenant ay ipinadala siya sa Iloilo at sa Corregidor. Ang kurso niya sa edukasyon, ang matataas na mga marka niya sa West Point at ang magagandang puna sa serbisyo ay magagandang punto upang mahirang siyang guro sa Philippine Military Academy noong 1916.

Higit na mahihirap na gawain ang binalikat ni Vicente nang ilipat siya ng pwesto sa Sulu, tapos ay sa Zamboanga at nang huli ay sa Fort McKinley sa Rizal. Ang katatagan sa sarili ay naging dahilan upang hirangin siyang Kapitan noong 1922 at Major noong 1923. Sa mga promosyong tinanggap, inisip niyang kailangan pa niyang makapag-aral upang lalong maging eksperto sa siyensiya militar. Dahil dito, pamuli siyang nagpunta sa Amerika at nag-aral sa Infantry School sa Kansas at sa Army War College sa Washington DC. Ang mga pag-aaral na ito ay isinagawa niya mula 1926 hanggang 1929.

Sa pagbabalik sa Pilipinas ay nanungkulan si Vicente bilang ROTC Commandant ng Colegio de San Juan de Letran. Naging ganap siyang Colonel nang magretiro sa serbisyo noong 1936.

Kahit nakapagbigay na ng humigit dalawampung taon sa US Military Service ay batang-bata pa rin si Vicente sa edad na 47 upang mamahinga. Tinanggap niya ang alok na maging Brigadier General sa Philippine Army.

Ang kahusayan at katapangan ni Vicente ay naipakita niya nang pamunuan niya ang ilang pakikipagdigmaan laban sa mga Hapon mula Abucay hanggang Mt. Natib sa Bataan. Kahit kulang sa tauhan at mga pangangailangang militar, nakipaglaban sila nang buong tapang hanggang mapilitang sumuko noong Abril 9, 1942.

Hindi matanggap ni Vicente na iyuko ang ulo sa mga kaaway. May respeto siya sa sarili bilang militar. May paggalang din siya sa sarili bilang Pilipinong nakikipagdigmaan. Kung hindi makuha sa harapan, naniniwala siyang dapat siyang lumaban sa ibang paraan. Kaya naging aktibo siya sa pailalim na pakikipagdigmaan.

Matapos pakawalan sa Concentration Camp ng Capas, Tarlac, nagkunwari siyang pasyente ng Philippine General Hospital upang makapagbigay ng sikretong impormasyong pandigmaan sa mga kapwa niya gerilya.>
Bagama’t walang pinanghahawakang ebidensiya, alam ng mga Hapon na matinik na kaaway si Vicente. Upang makasama nila ang mahusay na Heneral ay inalok dito   ng   mga   Hapon   ang   posisyong   Chief  of Staff.

Hindi masikmura ni Vicenteng panigan ang mga kaaway. Para sa kanya, hanggang kamatayan ang pakikipagdigmaan.

Bilang Kumander ng Fil-American Guerilla, si Vicente kasama ng ilang kapanalig ay nagbalak magdaan sa Marinduque. Plano niyang pulungin ang maraming gerilya doon, palawakin ang mga mandirigma sa mga lalawigan at palihim na sumakay sa submarinong papuntang Australia. Sa kasamaang palad, sa Mindoro pa lamang ay naharang sila ng mga Japanese Naval Patrol. Nahulihan siya sa sasakyang dagat ng baril, radyo at transmiter. Kasama ang mga kaibigang gerilya ay dinala siya sa Mindoro Oriental at inimbestigahan. Nang malaman ng mga Hapon na pinuno siya ng mga gerilya, si Vicente na may sikretong pangalang Edmund P. Ellsworth ay dinala kaagad sa Maynila at ikinulong sa Fort Santiago. Sa nabanggit na kulungan tinanggap ni Vicente ang sobrang pagpapahirap. Alam ni Vicenteng lumalawak na ang sistemang gerilya sa panahon ng digmaan at kaunting panahon na lang ay darating na ang mga Amerikanong magpapalaya sa bansa. Ang bawat pagpapahirap ay taos pusong tinanggap ni Vicente alang-alang sa bayan. Ang kagimbal-gimbal na oras ay dumating nang ilipat sa Bilibid Viejo si Vicente. Mula sa kulungan ay dinala siya kasama ng mga kapanalig sa Sementeryo del Norte at doon tinanggap ang parusang kamatayan.


Bago tanggapin ang pinakamasakit na parusa ay ipinakisabi ni Vicente sa maiiwang asawa at mga anak na nanindigan siya sa ngalan ng pananagutan, karangalan at kabansaan.

Si Vicente Lim ay mapagmahal na asawa, maalahaning ama, dakilang bayani at marangal na Pilipino sa oras ng kapayapaan at sa panahon ng digmaan.