Saturday, February 21, 2009

Jaime Cardinal Sin






Si Jaime L. Sin ay kilala rin sa tawag na Jaime Sin at Jaime Lachica Sin(Pangalang Tsino: Xin Haimei, Xin Haimian). Siya ay naging kardinal ng Romano Katolikong Simbahan. Naging instrumento siya sa pagkatalo ng rehimen ni Marcos at sa pagkakaluklok ni Corazon Aquino bilang pangulo noong 1986.



Talambuhay



Si Jaime L. Sin ay ipinanganak sa bayan ng New Washington, Aklan, sa Pulo ng Visayas noong 21 Agosto 1928. Siya ang ikapito sa siyam na mga anak nina Juan Sin at Maxima Lachica.



Nagsimulang maging misyonero si Kardinal Sin sa Jaro, Iloilo, at doon ay pumasok siya sa Jaro Archdiocesan Seminary of St. Vincent Ferrer. Naging ganap na pari siya noong 3 Abril 1954. Nagsilbi siya bilang pari ng Diyosesis ng Capiz mulang 1954 hanggang 1957. nagsilbi rin siya bulang rektor ng St. Pius X Seminary sa Lungsod Roxas mulang 1957 hanggang 1967. Habang nagsisilbi sa simbahan ay natamo niya ang batsilyer sa Edukasyon sa Immaculate Concepcion College noong 1959. Noong 1960 ay ginawa siyang domestikong prelado ni Papa Juan XXIII.


Humawak siya ng iba't ibang posisyon sa simbahang Katoliko.Mula sa pagiging pari hanggang sa maging Arsobispo ng Maynila noong 9 Marso 1974 . Ginawa siyang kardinal ng Papa paul VI noong 26 Mayo 1976, at inihalal na kasapi ng Synod of Bishops sa Roma.



Kilala si Kardinal Sin sa kaniyang partisipasiyon sa pagka-alis ng pangulo at diktador na si Pang. Marcos noong 1986. Nang ang ministro ng Tanggulang Pambansa na si Juan Ponce Enrile, at ang Ikalawang Hepe de Estado Mayor, Fidel V. Ramos ay tumangging suportahan ang pagtatangka ni Marcos na manipulahin ang halalan at magsagawa ng pag-aaklas, nanawagan si Kardinal Sin sa mga Filipino sa Kalakhang Maynila na suportahan sina Enrile at Ramos. Libo-libo ang tumugon at dingsa ang dalawang kampo ng militar. Sa loob ng ilang araw ay tumungo na si Marcos sa Hawaii upang magtago at si Corazon Aquino naman ay nanumpa bilang pangulo.



Dahil sa Aklasang Bayan sa EDSA, si Kardinal Sin ay lumitaw na pangunahing puwersang moral sa polika sa Filipinas. Noong 1997 hanggang 1998 ay tinutulan niya ang pag aamyenda ng konstitusyon na magpapahintulot kay Pangulong Ramos sa ikalawang termino, at noong 1999–2000 ay sinuportahan niya ang pag-aakusa kay Pang. Joseph Estrada sa pagtangap ng milyon-milyon pera mula sa kita ng ilegal na pagsusugal. Paulit- ulit niyang hinihimok ang mga Filipino na bumoto ng wasto.




Kamatayan


Namatay si kardinal Sin noong 21 Hunyo 2005, sa edad na 76. Nagkaroon siya ng problema sa puso at bato na siyang naging dahilan ng kaniyang kamatayan.


Friday, February 13, 2009

Lope K. Santos



Si Lope K. Santos (Setyembre 25, 1879 – Mayo 1, 1963) ay isang tanyag na manunulat sa wikang Tagalog noong kaniyang kapanahunan, sa simula ng ika-1900 dantaon. Bukod sa pagiging manunulat, isa rin siyang abogado, kritiko, lider obrero, at itinuturing na "Ama ng Pambansang Wika at Balarila" ng Pilipinas.


Talambuhay

Ipinanganak si Lope K. Santos sa Pasig, Rizal - bilang Lope C. Santos - sa mag-asawang Ladislao Santos at Victoria Canseco, na kapwa mga katutubo sa Rizal. Ngunit mas inibig na gamitin ni Santos ang titik na K bilang kapalit ng C para sa kaniyang panggitnang pangalan, upang maipakita ang pagiging makabayan. Nakamit niya ang pagkakaroon ng kadalubhasaan sa sining mula sa Colegio Filipino (Kolehiyo Pilipino), matapos na makapag-aral sa Escuela Normal Superior de Maestros (Mataas na Paaralang Normal para sa mga Guro) at sa Escuela de Derecho (Paaralan ng Batas). Naging dalubhasa siya sa larangan ng dupluhan, isang paligsahan ng mga manunula na maihahambing sa larangan ng balagtasan. Noong 1900, nagsimula siyang maglingkod bilang patnugot para sa mga lathalaing nasa wikang Tagalog, katulad ng Muling Pagsilang at Sampaguita. Siya ang tagapagtatag ng babasahing Sampaguita. Sa pamamagitan ni Manuel L. Quezon, naging punong-tagapangasiwa si Santos ng Surian ng Wikang Pambansa.  Kabilang sa mga katawagang nagbibigay parangal kay Santos ang pagiging Paham ng Wika, Ama ng Balarilang Pilipino, Haligi ng Panitikang Pilipino, subalit mas kilala rin siya sa karaniwang palayaw na Mang Openg.


Personal

Napangasawa ni Lope K. Santos si Simeona Salazar noong ika-10 ng Pebrero, 1900, at nagkaroon sila ng limang anak. Nagkaroon siya ng karamdaman sa atay, ngunit hanggang sa huling sandali ng buhay ay hinangad ni Santos na maging Wikang Pambansa ang Wikang Tagalog.



Pulitika

Matapos maging gobernador ng lalawigan ng Rizal mula 1910 hanggang 1913, naging gobernador naman si Santos ng Nueva Vizcaya mula 1918 hanggang 1920. Naglingkod din siya bilang senador para sa ika-labindalawang distrito ng bayan.


Kabilang sa mga akda ni Santos ang mga sumusunod:

Balarila ng Wikang Pambansa
Banaag at Sikat, isang nobela