Showing posts with label Manunulat. Show all posts
Showing posts with label Manunulat. Show all posts

Saturday, November 21, 2009

Ildefonso Santos



Si Ildefonso P. Santos ay isang makata na isinilang sa bayan ng Malabon, sa nayon ng Baritan noong ika-23 ng Enero, 1897. Kaisa-isang anak siya nina Andres Santos at Atanacia Santiago.

Nahilig si Ildefonso sa pagsusulat ng mga tula dahil sa kanyang pinsang si Leonardo Dianzon na isang makata na naglalathala sa babasahing Ang Mithi. Si Dianzon ang nakatuklas kay Ildefonso nang mabasa niya ang tula ng pag-ibig na sinulat ni Ildefonso. Si IƱigo Ed Regalado ay humanga rin kay Ildefonso. Doon na nagsimula ang kanyang pagsulat ng mga tula. Ginamit niyang sagisag-panulat ang Ilaw Silangan.

Natapos si Ildefonso Santos ng kursong edukasyon. Nang simulang ipaturo ang Pambansang Wika, siya ang kauna-unahang nagturo ng Pilipino sa National Teacher's College. Nagturo rin siya sa Baguio Vocational Normal School. Hindi lamang siya guro, siya ay mahusay na tagapagsaling-wika at makata.

Si Ildefonso Santos ay isa sa mga kinikilalang manunulat sa Tagalog noong panahon ng Amerikano. Kahanga-hanga ang kariktan ng kanyang mga tula dahil sa pananalitang ginamit niya. Isa raw siya sa mahusay at maingat magsulat ng mga tula avon sa mga kritiko. Ang kanyang mga tula ay simple at karaniwan, ngunit puna ng diwa at damdamin. Ang ilan sa kanyang mga tula na mababanggit ay Tatlong Inakay, Gabi, Ang Guryon, Sa Tabi ng Dagat, Ulap at Mangingisda. May mga tanaga rin siyang naisulat tulad ng Palay, Kabibi at Tag-init.

Siya ay ama ni Ildefonso P. Santos, Jr. na Pambansang Alagad ng Sining ng Pilipinas para sa Arkitektura noong taong 2000.


Tuesday, November 10, 2009

Epifanio C. de los Santos








Isinilang siya sa bayan ng Malabon noong Abril 7, 1871. Kaisa-isang anak ng mayamang hasyendero na si Escolastico de los Santos at Antonina Cristobal, isang kolehiyala na mahusay tumugtog ng piyano at alpa. Pagkatapos tapusin ang kanyang mga unang taon ng pagaaral sa ilalim ng isang pribadong guro na si Jose A. Flores, nagpatuloy siya ng pag-aaral sa Ateneo de Manila. Maliban sa mga araling akademiko sa Ateneo, ay nag-aral din siya ng musika at pagpipinta. Tinapos niya sa Ateneo ang Bachiller en Artes at pagkatapos ay kumuha ng Law sa Unibersidad ng Santo Tomas.

Masugid siyang mambabasa ng iba't ibang babasahing pampanitikan lalung-lalo na ng mga nobelang sinulat ni Juan Valera, isang manunulat naKastila at may-akda ng isang nobela ng pag-ibig na kanyang kinalugdan, ang Pepita Jimenez. Dahil sa mahilig siyang magbasa, nagkaroon siya ng malaking koleksiyon ng mga aklat sa Sining at Panitikan. Sa katunayan, ang unang palapag ng kanyang tirahan sa Magallanes, Intramuros ay nagmistulang laybrari na naging tagpuan ng kanyang mga kaibigan na may hilig din sa Sining at pagsusulat tulad nina Cecilio Apostol, Fernando Ma. Guerrero, Rafael Palma, Jaime de Veyra at Clemente Zulueta. Isa rin siyang dalubwika natutuhan niya ang mga wikang dayuhan tulad ng Latin, Griyego, Kastila at Pranses.

Itinatag ni Don Panyong (tawag sa kanya) at ng kanyang kaibigang si Clemente Zulueta ang pahayagang La Libertad sa Malabon. Naging editor din siya ng pahayagang La Independencia. Sa pagsusulat sa pahayagang ito ay ginamit niya ang sagisag na G. Salon.

Naging District Attorney siya ng San Isidro, Nueva Ecija at doon din siya naging Kalihim Panlalawigan. Noong 1902 nahalal siyang Gobernador ng Nueva Ecija. Pagkatapos ng dalawang taon ay hinirang siyang miyembro ng Philippine Commission. Naglakbay siya sa iba't ibang bansa tulad ng Pransya, Inglatera, Espanya, Italya at iba pang mga bansa sa Europa upang bumisita sa mga aklatan at museo at mamili ng mga aklat para sa kanyang koleksyon sa sariling aklatan.

Noong 1906, nahirang siyang piscal ng dalawang lalawigan - Bulakan at at Bataan. Noong 1918, hinirang siya ni Gobernador Heneral Francis Burton Harrison na Technical Director ng Philippine Census. At noong Mayo 16, 1925 itinalaga siya ni Gobernador Heneral Leonard Wood bilang Direktor ng Philippine Library and Museum bilang kapalit ni Dr. Trinidad Parde de Tavera na binawian ng buhay.

Dalawang beses nag-asawa si Don Panyong. Ang kanyang unang asawa ay si Ursula Paez ng Malabon at ang pangalawa ay si Margarita Toralba ng Malolos. Ang isa niyang anak sa kanyang unang asawa ang nagmana sa kanya ng mahilig sa kasaysayan at pananaliksik. Nakilala siya bilang mahusay na manunulat ng kasaysayan, talambuhay at kolektor tulad ni Don Panyong.

Kung si Don Panyong ay di magaling na tagapagsalita (speaker) siya naman ay magaling na manunulat. Ang unang nalathalang sinulat ni Don Panyong ay ang Algo de Prosa (1909) isang koleksiyonng mga sanaysay at maikling kuwento. Ilan pa sa kanyang mga sinulatay Uteratura Tagala (1911), El Teatro Tagalo (1911), Nuestra Literatura (1913), El Proceso del Dr. Jose Rizal (1914), at Folklore Musical de Filipinas (1920).


Sinulat din niya ang mga talambuhay nina Dr. Trinidad Pardo de Tavera, Marcelo H. del Pilar, Andres Bonifacio, Emilio Jacinto, at Ignacio Villamor. Ang kanyang salin sa Kastila mula sa Tagalog ng Florante at Laura ni Balagtas ay itinuring na isang klasiko sa panitikang Pilipino.


Isa ring mahusay na musikero si Don Panyong. Mahusay siyang tumugtog ng piyano at gitara. Sa kanyang panahon ay tatlo lamang ang kinikilalang mahusay sa pagtugtog ng gitara sa buong Pilipinas -isa si Don Panyong at ang dalawa niyang kasama ay si Hen. Fernando Canon, isang rebolusyonaryo, at si Guillermo Tolentino, kilalang iskultor.

Mahusay din siya sa pagpipinta, lamang ay hindi niya ito nabigyan ng panahon upang ang kanyang kakayahan ay lalo pang pagyamanin at paunlarin.

Binawian ng buhay si Don Panyong noong Abril 28, 1928 sa Maynila sa eded na 57 dahil sa atake sa utak (cerebral attack). Bilang paggalang sa kanyang kontribusyon sa sining at kultura, ang Highway 54 na nagdudugtog sa Lungsod ng Caloocan hanggang Lungsod ng Pasay ay ipinangalang Abenida Epifanio de los Santos o kilala bilang EDSA.


Thursday, May 21, 2009

Leon Ma. Geurrero III



Si Leon Ma. Francisco Guerrero III ay isang manunulat na gumawa ng isang mahalagang talambuhay ukol kay Jose Rizal, ang The First Filipino, noong 1963. Isinalin din niya mula Espanyol patungong Ingles ang autobiograpiya ni Rizal na may titulong The Young Rizal, at ang Noli Me Tangere (Touch Me Not), 1961 at El Filibusterismo (Subversion), 1965.

Talambuhay

Ipinanganak siya noong 24 Marso 1915 sa Ermita, Maynila at supling nina Alfredo Leon Guerrero at Filomena Francisco, ang unang babaeng parmasyotika. Ang lolo niya ay ang nobelistang si Gabriel Beato Francisco. Samantalang ang kanyang kapatid, si Carmen Guerrero-Nakpil, ay isa ring manunulat. Ang pintor na si Lorenzo Ma. Guerrero ay kanya ring ninuno; ang mga makata at manunulat na sina Fernando Ma. Guerrero at Manuel Guerrero ay kanyang tiyuhin; ang makatang sina Nilda Guerrero-Barranco at Evangeline Guerrero-Zacarias, at ang manunulat at direktor na si Wilfrido Ma. Guerrero ay kanyang mga pinsan.

Siya ay ikinasal kay Anna Coromina noong 1938, at nang siya ay namatay, nagpakasal muli si Guerrero kay Margaret Burke kung saan siya ay may isang anak.
 
Edukasyon

Nagtapos siya ng hayskul noong 1931, at nakuha niya ang kanyang Batsilyer sa Sining, bilang summa cum laude noong 1935 sa Ateneo de Manila. Natapos niya ang kanyang Batsilyer sa Batas, bilang summa cum laude sa Philippine Law School at pumasa sa pagsusulit para sa pagkaabogasya noong 1939. Nagsimula siyang magsulat sa kolehiyo bilang myembro ng pahayagan; at habang siya ay nasa paaralang pang-abogasya, sumali siya sa Philippines Free Press.
Mga Akda

    * His Honor, The Mayor, 1934
    * Last Days of Corregidor
    * Passion and Death of the USAFFE, 1943
    * Twilight in Tokyo, 1946
    * We Filipinos, 1984

Mga Parangal

    * Pinakamataas na gantimpala sa Rizal Biography Contest noong 1961
    * Premio Zobel para sa El si y el no (The Yes and the No), 1963
    * doctorate in the humanities, honoris causa mula sa Lyceum of the Philippines, 1971

Ilang araw bago siya namatay noong 24 Hunyo 1982, siya ay ginawaran ng Order of Mabini ni Pres. Ferdinand Marcos.

Friday, February 13, 2009

Lope K. Santos



Si Lope K. Santos (Setyembre 25, 1879 – Mayo 1, 1963) ay isang tanyag na manunulat sa wikang Tagalog noong kaniyang kapanahunan, sa simula ng ika-1900 dantaon. Bukod sa pagiging manunulat, isa rin siyang abogado, kritiko, lider obrero, at itinuturing na "Ama ng Pambansang Wika at Balarila" ng Pilipinas.


Talambuhay

Ipinanganak si Lope K. Santos sa Pasig, Rizal - bilang Lope C. Santos - sa mag-asawang Ladislao Santos at Victoria Canseco, na kapwa mga katutubo sa Rizal. Ngunit mas inibig na gamitin ni Santos ang titik na K bilang kapalit ng C para sa kaniyang panggitnang pangalan, upang maipakita ang pagiging makabayan. Nakamit niya ang pagkakaroon ng kadalubhasaan sa sining mula sa Colegio Filipino (Kolehiyo Pilipino), matapos na makapag-aral sa Escuela Normal Superior de Maestros (Mataas na Paaralang Normal para sa mga Guro) at sa Escuela de Derecho (Paaralan ng Batas). Naging dalubhasa siya sa larangan ng dupluhan, isang paligsahan ng mga manunula na maihahambing sa larangan ng balagtasan. Noong 1900, nagsimula siyang maglingkod bilang patnugot para sa mga lathalaing nasa wikang Tagalog, katulad ng Muling Pagsilang at Sampaguita. Siya ang tagapagtatag ng babasahing Sampaguita. Sa pamamagitan ni Manuel L. Quezon, naging punong-tagapangasiwa si Santos ng Surian ng Wikang Pambansa.  Kabilang sa mga katawagang nagbibigay parangal kay Santos ang pagiging Paham ng Wika, Ama ng Balarilang Pilipino, Haligi ng Panitikang Pilipino, subalit mas kilala rin siya sa karaniwang palayaw na Mang Openg.


Personal

Napangasawa ni Lope K. Santos si Simeona Salazar noong ika-10 ng Pebrero, 1900, at nagkaroon sila ng limang anak. Nagkaroon siya ng karamdaman sa atay, ngunit hanggang sa huling sandali ng buhay ay hinangad ni Santos na maging Wikang Pambansa ang Wikang Tagalog.



Pulitika

Matapos maging gobernador ng lalawigan ng Rizal mula 1910 hanggang 1913, naging gobernador naman si Santos ng Nueva Vizcaya mula 1918 hanggang 1920. Naglingkod din siya bilang senador para sa ika-labindalawang distrito ng bayan.


Kabilang sa mga akda ni Santos ang mga sumusunod:

Balarila ng Wikang Pambansa
Banaag at Sikat, isang nobela