Thursday, September 17, 2009

Vito Belarmino



Si Heneral Vito Belarmino na taga Silang Cavite ay anak nina Severino Belarmino, pulitiko at ang maybahay nito na si Damiana Loyola..

Masigasig na tinuruan si Vito ng pundasyon sa pag-aaral sa mismong bahay nila kaya nang handang-handa na sa pormal na edukasyon ay ipinadala siya sa Letran. Sa kasamaang palad, pinatigil siya sa pag-aaral nang may lumaganap na nakahahawang peste sa kamaynilaan.

Ang hindi natutuhan nang matagal sa paaralan ay dinaan ni Vito sa pagbabasa at pag-oobserba. Para sa kaniya, ang kahandaang maglingkod sa bayan ang kaganapan ng katalinuhan. Sa praktikal na pananaw na ito ay matapang niyang pinasok ang trabahong pampamahalaan. Matagumpay niyang nagampanan ang mga pusisyong tulad ng teniente mayor, cabeza de barangay, gobernadorcillo at husgado ng kapayapaan.

Ang papel na ginampanan ni Vito bilang rebolusyonaryo ay kahanga-hanga. Isa siya sa mga sumalakay sa kumbento at sa grawdiya sibil ng Silang. Walang takot din siyang rumapido sa Infantry Battalion 72 ng mga Kastila sa Talisay, Batangas. Sa katapangang ipinakita, ibinigay ni Aguinaldo kay Vito ang pamumuno upang itayo ang gobyerno Militar sa Albay. Siya rin ang naatasang maging Military Commander ng Camarines at Sorsogon. Bilang pinuno ng mga nabanggit na lalawigan, naging mapili siya sa mga taong ilalagay sa tungkulin upang matiyak ang tagumpay ng kaniyang pamamalakad. Sapagkat ginamit niya ang talino ng karanasan, tinanggap ng lahat ang kaniyang itinakdang panuntunan.

Sa panahon ng Digmaang Pilipino-Amerikano, kinakitaan na naman ng katapangan si Vito nang isa siya sa namuno upang labanan si Heneral Willian Kobbe sa Albay. Sa kasamaang palad, nakuha ng Amerikano ang Tabaco at Naga at ang kasamang heneral ni Vito ay sumuko. Galit na galit si Vito sa mga Amerikano. Upang makaganti, nagtayo siya ng sariling grupo ng mga gerilya na lumaban sa mga kaaway sa buong kabikulan.

Matapos ang Digmaang Pilipino-Amerikano, muling nagbalik si Vito sa lalawigang kaniyang kinalakihan. Lumabo ang paningin niya hanggang sa mabulag noong 1928. Sa gulang na 76 ay sumakabilang buhay ang matapang na Heneral.



Thursday, September 10, 2009

Vicente Lukban







Ang matapang na rebolusyonaryo ay ipinanganak noong Pebrero 11, 1860. Isa siya sa anim na anak nina Don Agustin Lukban at Dona Andrea Rillos ng Labo, Camarines Norte. Nag-aral siya sa Escuela Pia Publica, sa Ateneo at sa Letran.

Naglingkod siya bilang Oficial Criminalista sa Quiapo. Nang magbalik si Vicente sa Camarines Norte ay nanungkulan siya bilang Juez de la Paz.

Bilang mason, itinayo niya ang Logia Bicolano sa kaniyang lalawigan. Bilang magsasaka at negosyante, itinindig niya ang La Cooperativa Popular ng Governador Heneral. Sapagkat tinitingala siya ng masang Pilipino inakala ng mga Espanyol na makukuha niya ang simpatiya ng mga pobreng magsasaka kaya pinaaresto kaagad siya noong 1896 at pinalaya lamang kasama ng iba pang bilanggong pulitikal noong 1897.
Noon lalong naliwanagan si Vicente sa kawalang katarungan ng pamahalaang Espanya. Bilang pag-aalsa, naglingkod siya bilang tagapayo ni Heneral Aguinaldo. Sumama siya dito bilang exile sa Hongkong mula Disyembre, 1897 hanggang Hulyo, 1898. Sa pagbabalik sa Pilipinas ay itinalaga siya bilang Koronel ng mga rebolusyonaryo sa mga lalawigan ng Camarines at Catanduanes.

Sa sistematikong pag-oorganisa sa mga rebolusyonaryong napailalim sa kanya, ginawa siyang Heneral sa Samar at Leyte.

Naging matapang na lider gerilya si Vicente sa digmaang Pilipino-Amerikano sa Samar. Nakasulat sa kasaysayan ang mga panalo niya sa Catbalogan, Catubig at Catarman.

Sa hirap na dinanas ng mga puti sa kamay ni Vicente ay naghandog ng pabuyang limang libong piso ang mga kaaway madakip lamang ang pinuno. Nang sumuko ang isang hepeng Pilipino sa Masbate ay lalong pinag-alab ni Vicente ang mga sundalo upang matapang na lumaban. Pinalakas niya ang organisasyong militar sa Leyte kahit sumuko na sa mga puti si Ambrocio Mojica.

Para kay Vicente, ang pagsuko ay dapat iwasan kung maiiwasan. Para kay Vicente, ang matitibay lamang ang dapat na mabuhay. Sa katapangang ipinakita ni Vicente sa mga oras ng pakikidigma, inirekomenda siya bilang tagapamahalang pangkalahatan sa Bisaya at Mindanao.

Nang madiskubre ni Captain Jackson ang kinaroroonan ni Vicente sa Catarman ay nagkasagupaan ang dalawang pinuno. Kahit nasugatan ang Pilipino ay inagad nitong makatakas upang hindi mahuli ng mga kaaway. Sa kasamaang palad ay nasukol siya ni Lieutenant Strebler noong Pebrero 19, 1902. Ipinabilanggo siya sa Isla de Talim sa Laguna de Bay.

Nang pakawalan siya ng mga Amerikano at unti-unting nagkahugis ang lipunang Pilipino ay pumasok siya sa pulitika. Nagsilbi siyang Gobernador ng Tayabas mula 1912 hanggang 1915. Pamuli siyang nanalo sa kaniyang puwesto noong 1916 subalit nagkakasakit siya at sumakabilang buhay noong Nobyembre 16, 1916.

Ang katapangan sa paglaban, katapatan sa panunungkulan at karangalan sa oras ng digmaan at kapayapaan ay kalakip ng katauhan ni Vicente Lukban. Maituturing siyang totoong bayani ng alinmang kapanahunan.