Thursday, September 17, 2009

Vito Belarmino



Si Heneral Vito Belarmino na taga Silang Cavite ay anak nina Severino Belarmino, pulitiko at ang maybahay nito na si Damiana Loyola..

Masigasig na tinuruan si Vito ng pundasyon sa pag-aaral sa mismong bahay nila kaya nang handang-handa na sa pormal na edukasyon ay ipinadala siya sa Letran. Sa kasamaang palad, pinatigil siya sa pag-aaral nang may lumaganap na nakahahawang peste sa kamaynilaan.

Ang hindi natutuhan nang matagal sa paaralan ay dinaan ni Vito sa pagbabasa at pag-oobserba. Para sa kaniya, ang kahandaang maglingkod sa bayan ang kaganapan ng katalinuhan. Sa praktikal na pananaw na ito ay matapang niyang pinasok ang trabahong pampamahalaan. Matagumpay niyang nagampanan ang mga pusisyong tulad ng teniente mayor, cabeza de barangay, gobernadorcillo at husgado ng kapayapaan.

Ang papel na ginampanan ni Vito bilang rebolusyonaryo ay kahanga-hanga. Isa siya sa mga sumalakay sa kumbento at sa grawdiya sibil ng Silang. Walang takot din siyang rumapido sa Infantry Battalion 72 ng mga Kastila sa Talisay, Batangas. Sa katapangang ipinakita, ibinigay ni Aguinaldo kay Vito ang pamumuno upang itayo ang gobyerno Militar sa Albay. Siya rin ang naatasang maging Military Commander ng Camarines at Sorsogon. Bilang pinuno ng mga nabanggit na lalawigan, naging mapili siya sa mga taong ilalagay sa tungkulin upang matiyak ang tagumpay ng kaniyang pamamalakad. Sapagkat ginamit niya ang talino ng karanasan, tinanggap ng lahat ang kaniyang itinakdang panuntunan.

Sa panahon ng Digmaang Pilipino-Amerikano, kinakitaan na naman ng katapangan si Vito nang isa siya sa namuno upang labanan si Heneral Willian Kobbe sa Albay. Sa kasamaang palad, nakuha ng Amerikano ang Tabaco at Naga at ang kasamang heneral ni Vito ay sumuko. Galit na galit si Vito sa mga Amerikano. Upang makaganti, nagtayo siya ng sariling grupo ng mga gerilya na lumaban sa mga kaaway sa buong kabikulan.

Matapos ang Digmaang Pilipino-Amerikano, muling nagbalik si Vito sa lalawigang kaniyang kinalakihan. Lumabo ang paningin niya hanggang sa mabulag noong 1928. Sa gulang na 76 ay sumakabilang buhay ang matapang na Heneral.



No comments:

Post a Comment