Monday, November 30, 2009

Andres Bonifacio



Si Andres Bonifacio (Nobyembre 30, 1863 - Mayo 10, 1897) ay siyang namuno sa rebolusyon ng Pilipinas laban sa Espanya, ang unang rebolusyon sa Asya na lumaban sa pananakop ng mga bansang imperyalista sa Europa.


Siya ay isinilang noong ika-30 ng Nobyembre, 1863 sa Tundo, Maynila. Ang kanyang magulang ay sina Santiago Bonifacio at Catalia de Castro. Siya ay nagsimulang mag-aral sa paaralan ni Don Guillermo OsmeƱa sa Melsic subalit siya'y maagang nahinto sa pag-aaral. Bagamat siya'y nahinto sa pag-aaral, marunong siyang bumasa at sumulat, at dalubhasa na rin sa pagsasalita sa wikang Kastila.


Naulila sa magulang nang maaaga sa edad na 14. Naging tindero siya ng ratan at pamaypay na gawa sa papel de japon. Nagtrabaho din siya bilang clerk, sales agent at bodegista (warehouseman). Nahilig siyang basahin ang mga nobela ni Jose Rizal at nang itinatag ang La Liga Filipina, sumapi siya kasama ni Apolinario Mabini.


Bagamat mahirap ay mahilig bumasa at sumulat ng mga bagay na may kabuluhan lalo na kung ito ay tungkol sa himagsikan at digmaan. Siya ay may diwa ng paghihimagsik. Siya rin ay nagnais na magbangon ng pamahalaang malaya na naging daan upang kanyang maitatag ang Katipunan na kakatawan sa himagsikan at upang maging wasto at panatag sa kanyang itinatag. Noong 1892, matapos dakpin at ipatapon si Dr. Jose Rizal sa Dapitan, itinatag ni Bonifacio ang Katipunan o kilala rin bilang "Kataastasan,Kagalang-galang na Katipunan ng mga Anak ng Bayan" (KKK), isang lihim na kapisanang mapanghimagsik, na di naglaon ay naging sentro ng hukbong Pilipinong mapanghimagsik. Kasama ni Bonifacio ay sina Valentin Diaz, Deodato Arellano (bayaw ni Marcelo H. del Pilar), Teodoro Plata (bayaw ni Bonifacio), Ladislao Diwa, at ilang mangagawa ang pagtatag ng Katipunan sa Calle Azcarraga (ngayon ay Avenida Claro M. Recto) malapit sa Calle Candelaria (ngayon ay Kalye Elcano).


Sa pagtatag ng Katipunan, kinilala si Andres Bonifacio bilang "Ama ng Rebolusyon" sa Pilipinas. Si Bonifacio at ang kanyang mga kasamahan sa Katipunan ay may isang layunin na marahil ay siyang naging dahilan upang ang kanilang pakikidigma ay maging matagumpay.


Sa Katipunan, "Supremo" ang kanyang titulo at di naglaon nang itinatag niya ang Pamahalang Mapaghimagsik ay tinawag siyang "Pangulong Hari ng Katagalugan". Dito rin niya nakilala si Gregoria de Jesus na tinawag niyang Lakambini. Noong Agosto 23, 1896, sa maliit na baryo ng Pugad Lawin (ngayo'y Bahay Toro, Project 8, Lungsod Quezon) sa Balintawak ay tinipon nya ang mga Katipunero at isa isa'y pinunit ang kanilang mga cedula.


Sa gitna ng rebolusyon, isang halalan ang naganap sa Tejeros, Cavite, sa kahilingan ng mga Katipunerong Magdalo na ang lumahok ay mula sa Cavite lamang. Nanalo sa pagka-pangulo si Emilio Aguinaldo, Lider ng Katipunang Magdalo at ang Supremo ay naihalal sa mababang posisyong Tagapangasiwa ng Panloob (Interior Director).


Nang sinubukan ng mga miyembro ng lupon ng mga Magdalo na kuwistiyunin ang kakayahan ni Andres Bonifacio, idineklara ni Bonifacio na walang bisa ang naganap na eleksyon dahilan sa pandaraya sa botohan ng mga Magdalo. Dahil dito, kinasuhan si Bonifacio ng sedisyon at pagtataksil. Ipinahuli at ipinapatay ni Aguinaldo sa kanyang mga tauhan. Iniutos kay Mariano Noriel na ibigay ang hatol sa isang selyadong sobre kay Lazaro Makapagal. Iniutos ang pagbaril kay Bonifacio kasama ang kanyang kapatid na lalaki na si Procopio Bonifacio noong ika-10 ng Mayo, 1897 malapit sa Bundok Nagpatong (o Bundok Buntis). Hanggang ngayon, hindi pa rin natatagpuan ang labi niya.

No comments:

Post a Comment