Wednesday, November 11, 2009

Manuel L. Quezon




Ipinanganak si Manuel L. Quezon sa Baler, sa lalawigan ng Tayabas (tinatawag na ngayong Aurora) noong Agosto 19, 1878. Anak siya nina Lucio Quezon at Maria Dolores Molina, kapwa mga guro. Nagtapos siya ng pag-aaral mula sa Colegio de San Juan noong 1893.


Bilang isang binata, nakilahok siya sa pag-aalsa laban sa mga Kastila. Nakipaglaban din siyang kasama ng mga Pilipinong Nasyonalista sa panahon ng Digmaang Pilipino-Amerikano, bilang katulong ni Emilio Aguinaldo. Naipakulong siya dahil sa gawaing ito. Makaraang palayain, nanumpa siya ng katapatan sa Estados Unidos.

Naging manananggol si Quezon sa Baler. Noong 1906, nahalal siya bilang gobernador ng lalawigan ng Tayabas, ngunit nagbitiw upang makapangampanya para sa Asambleya ng Pilipinas, kung saan nakamit niya ang pagiging pinuno ng Asambleya. Mula 1909 hanggang 1916, nagsilbi si Quezon sa Estados Unidos bilang naninirahang komisyonero para sa Pilipinas. Sa panahong ito naipasa ang Batas Jones (Jones Act), nagtatanggal sa Komisyon sa Pilipinas ng Estados Unidos at nagbibigay ng mas mataas na antas ng pamamahala sa mga Pilipino. Dahil dito, itinuring na bayani si Quezon nang muli siyang magbalik sa Pilipinas.

Sa sumunod na dalawang taon, naglingkod siya bilang pangulo ng Senado ng Pilipinas. Noong 1935, nanalo si Manuel L. Quezon sa unang halalan ng pagkapangulo ng Pilipinas sa ilalim ng bagong Komonwelt ng Pilipinas, laban kina Emilio Aguinaldo at Obispo Gregorio Aglipay. Muli siyang nahalal noong 1941.

Pagkaraan ng pananakop ng Hapon sa Pilipinas sa panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, tumakas siya papuntang Australya, at pagkaraan nagtuloy sa Estados Unidos. Sa dalawang bansang ito niya pinamunuan ang pamahalaan ng Pilipinas habang malayo sa bansa.

Nagkasakit ng tuberkulosis si Quezon at namatay sa Saranac Lake, Franklin County, New York noong Agosto 1, 1944 sa gulang na 66. Unang inilibing ang kanyang labi sa Arlington National Cemetery. Pagkaraan, ang kanyang labi ay inilibing muli sa Maynila, sa Manila North Cemetery at inilipat sa Lungsod Quezon sa loob ng monumento sa Quezon Memorial Circle.



Ipinangalan sa kaniya ang Lungsod ng Quezon sa Kalakhang Maynila at ang lalawigan ng Quezon.

No comments:

Post a Comment