Tuesday, December 1, 2009

Benigno "Ninoy" Aquino Jr.



Si Benigno Servillano Aquino Aquino, Jr., mas kilala bilang Ninoy Aquino o Benigno S. Aquino, Jr., ay isang Pilipinong senador na naging pangunahing kritiko ni Pangulong Ferdinand Marcos. Pinatay siya sa Paliparang Pandaigdig ng Maynila (na matapos ay ipinangalang Paliparang Pandaigdig ng Ninoy Aquino bilang parangal sa kanya) pagkauwi niya mula sa Estados Unidos, kung saan siya ipinatapon. Ang kanyang pagkamatay ang naging sanhi ng pagka-Pangulo ng kanyang maybahay, si Corazon Aquino, na pumalit sa 20-taong rehimeng Marcos. Ayon sa mga testigo, ang mga sundalong nag hatid sa kanya pababa ng eroplano ay may mga kinalaman sa kanyang pagkamatay. May mahigit dalawang milyon na sumama sa prusisyon para ihatid si Aquino sa kanyang huling hantungan. Ang mga naging sangkot sa kanyang pagkamatay ay napalaya na noong 2007 na tinutulan naman ng kanyang anak na si Noynoy Aquino. At siya ay isa rin sa mga bayani ng Pilipinas. Ang kanyang bantayog ay makikita sa Lungsod ng Makati.

Si Ninoy ay ipinanganak noong ika-27 ng Nobyembre, 1932. Siya ay anak ng dating Assemblyman Benigno Aquino, Sr. at Aurora Aquino-Aquino ng Tarlac. Si Ninoy ay 17 taong gulang lamang ng matanyag sa pagiging isang korespondent ng digmaan sa Korea. Naging pinakabatang nahalal na punong-bayan sa Concepcion, Tarlac. Siya rin ay naging katidong teknikal ng mga pangulong sina Ramon Magsaysay at Carlos P. Garcia. Noong panahon ng panunungkulan ni Diosdado Macapagal si Ninoy ay umanib sa Partido Liberal. Siya ang naging pangkalahatang kalihim ng partido na naging daan upang siya ay mahalal na pinakabatang senador noong 1967.

Nang ideklara ang Batas Militar (Martial Law), si Ninoy ay dinakip at nakulong ng maraming taon. Siya ay nagkaroon ng sakit sa puso at pinahintulutan naman na maoperahan sa Estados Unidos. Dahil sa pagnanasang maglingkod sa bayan at sambayanang Pilipino, bumalik si Ninoy sa Pilipinas. Subalit sa kanyang pagbabalik ay hindi na niya naisakatuparan ang kanyang mga adhikain sapagkat pagtuntong pa lang niya sa paliparan ng MIA, siya ay binaril at nalugmok sa Tarmac. Ang kanyang pagkamatay noong Agosto 21, 1983 ang siyang nagmulat at gumising sa natutulog na damdamin ng taong-bayan.

Nag-alsa ang milyung-milyong Pilipino at ito ay tinaguriang "People Power." Napatalsik ang dating Pangulong Ferdinand Marcos at iniluklok ang maybahay ni Ninoy na si Corazon Cojuangco Aquino bilang pangulo ng bansa.


3 comments: