Thursday, September 17, 2009

Vito Belarmino



Si Heneral Vito Belarmino na taga Silang Cavite ay anak nina Severino Belarmino, pulitiko at ang maybahay nito na si Damiana Loyola..

Masigasig na tinuruan si Vito ng pundasyon sa pag-aaral sa mismong bahay nila kaya nang handang-handa na sa pormal na edukasyon ay ipinadala siya sa Letran. Sa kasamaang palad, pinatigil siya sa pag-aaral nang may lumaganap na nakahahawang peste sa kamaynilaan.

Ang hindi natutuhan nang matagal sa paaralan ay dinaan ni Vito sa pagbabasa at pag-oobserba. Para sa kaniya, ang kahandaang maglingkod sa bayan ang kaganapan ng katalinuhan. Sa praktikal na pananaw na ito ay matapang niyang pinasok ang trabahong pampamahalaan. Matagumpay niyang nagampanan ang mga pusisyong tulad ng teniente mayor, cabeza de barangay, gobernadorcillo at husgado ng kapayapaan.

Ang papel na ginampanan ni Vito bilang rebolusyonaryo ay kahanga-hanga. Isa siya sa mga sumalakay sa kumbento at sa grawdiya sibil ng Silang. Walang takot din siyang rumapido sa Infantry Battalion 72 ng mga Kastila sa Talisay, Batangas. Sa katapangang ipinakita, ibinigay ni Aguinaldo kay Vito ang pamumuno upang itayo ang gobyerno Militar sa Albay. Siya rin ang naatasang maging Military Commander ng Camarines at Sorsogon. Bilang pinuno ng mga nabanggit na lalawigan, naging mapili siya sa mga taong ilalagay sa tungkulin upang matiyak ang tagumpay ng kaniyang pamamalakad. Sapagkat ginamit niya ang talino ng karanasan, tinanggap ng lahat ang kaniyang itinakdang panuntunan.

Sa panahon ng Digmaang Pilipino-Amerikano, kinakitaan na naman ng katapangan si Vito nang isa siya sa namuno upang labanan si Heneral Willian Kobbe sa Albay. Sa kasamaang palad, nakuha ng Amerikano ang Tabaco at Naga at ang kasamang heneral ni Vito ay sumuko. Galit na galit si Vito sa mga Amerikano. Upang makaganti, nagtayo siya ng sariling grupo ng mga gerilya na lumaban sa mga kaaway sa buong kabikulan.

Matapos ang Digmaang Pilipino-Amerikano, muling nagbalik si Vito sa lalawigang kaniyang kinalakihan. Lumabo ang paningin niya hanggang sa mabulag noong 1928. Sa gulang na 76 ay sumakabilang buhay ang matapang na Heneral.



Thursday, September 10, 2009

Vicente Lukban







Ang matapang na rebolusyonaryo ay ipinanganak noong Pebrero 11, 1860. Isa siya sa anim na anak nina Don Agustin Lukban at Dona Andrea Rillos ng Labo, Camarines Norte. Nag-aral siya sa Escuela Pia Publica, sa Ateneo at sa Letran.

Naglingkod siya bilang Oficial Criminalista sa Quiapo. Nang magbalik si Vicente sa Camarines Norte ay nanungkulan siya bilang Juez de la Paz.

Bilang mason, itinayo niya ang Logia Bicolano sa kaniyang lalawigan. Bilang magsasaka at negosyante, itinindig niya ang La Cooperativa Popular ng Governador Heneral. Sapagkat tinitingala siya ng masang Pilipino inakala ng mga Espanyol na makukuha niya ang simpatiya ng mga pobreng magsasaka kaya pinaaresto kaagad siya noong 1896 at pinalaya lamang kasama ng iba pang bilanggong pulitikal noong 1897.
Noon lalong naliwanagan si Vicente sa kawalang katarungan ng pamahalaang Espanya. Bilang pag-aalsa, naglingkod siya bilang tagapayo ni Heneral Aguinaldo. Sumama siya dito bilang exile sa Hongkong mula Disyembre, 1897 hanggang Hulyo, 1898. Sa pagbabalik sa Pilipinas ay itinalaga siya bilang Koronel ng mga rebolusyonaryo sa mga lalawigan ng Camarines at Catanduanes.

Sa sistematikong pag-oorganisa sa mga rebolusyonaryong napailalim sa kanya, ginawa siyang Heneral sa Samar at Leyte.

Naging matapang na lider gerilya si Vicente sa digmaang Pilipino-Amerikano sa Samar. Nakasulat sa kasaysayan ang mga panalo niya sa Catbalogan, Catubig at Catarman.

Sa hirap na dinanas ng mga puti sa kamay ni Vicente ay naghandog ng pabuyang limang libong piso ang mga kaaway madakip lamang ang pinuno. Nang sumuko ang isang hepeng Pilipino sa Masbate ay lalong pinag-alab ni Vicente ang mga sundalo upang matapang na lumaban. Pinalakas niya ang organisasyong militar sa Leyte kahit sumuko na sa mga puti si Ambrocio Mojica.

Para kay Vicente, ang pagsuko ay dapat iwasan kung maiiwasan. Para kay Vicente, ang matitibay lamang ang dapat na mabuhay. Sa katapangang ipinakita ni Vicente sa mga oras ng pakikidigma, inirekomenda siya bilang tagapamahalang pangkalahatan sa Bisaya at Mindanao.

Nang madiskubre ni Captain Jackson ang kinaroroonan ni Vicente sa Catarman ay nagkasagupaan ang dalawang pinuno. Kahit nasugatan ang Pilipino ay inagad nitong makatakas upang hindi mahuli ng mga kaaway. Sa kasamaang palad ay nasukol siya ni Lieutenant Strebler noong Pebrero 19, 1902. Ipinabilanggo siya sa Isla de Talim sa Laguna de Bay.

Nang pakawalan siya ng mga Amerikano at unti-unting nagkahugis ang lipunang Pilipino ay pumasok siya sa pulitika. Nagsilbi siyang Gobernador ng Tayabas mula 1912 hanggang 1915. Pamuli siyang nanalo sa kaniyang puwesto noong 1916 subalit nagkakasakit siya at sumakabilang buhay noong Nobyembre 16, 1916.

Ang katapangan sa paglaban, katapatan sa panunungkulan at karangalan sa oras ng digmaan at kapayapaan ay kalakip ng katauhan ni Vicente Lukban. Maituturing siyang totoong bayani ng alinmang kapanahunan.


Wednesday, August 12, 2009

Vicente Lim



Si Vicente ay ipinanganak sa Calamba, Laguna noong Pebrero 24, 1888. May magandang kabuhayan ang pamilyang pinanggalingan niya. Ama niya si Jose Lim, mayamang Tsino at ina naman niya si Antonia Podico, kilalang negosyante.

Bata pa lang ay napahilig na sa mga laro si Vicente. Naniniwala siyang ang malusog na isipan ay dapat itambal sa malusog ding pangangatawan.

Ang pagpapaunlad ng kaisipan ay sinikap alalayan ni Vicente. Lagi at laging pinahahalagahan niya ang pag-aaral. Ang edukasyong primarya ay kinuha niya sa Calamba; ang intermedya ay pinagpaguran niya sa Tanauan at ang hayskul ay tinapos naman niya sa Sta. Cruz.

Una niyang pinangarap ang maging guro kaya tinapos niya ang kursong Edukasyon sa Philippine Normal School noong 1908. Nauwi sa pagsusundalo ang kapalaran ni Vicente noong maipasa niya ang eksamen para sa mga piling-piling kadete ng US Military Academy.  Tinapos niya ang kurso sa West Point noong 1914.

Unang nanungkulan bilang Second Lieutenant sa serbisyo militar ng Estados Unidos si Vicente. Nang maging First Lieutenant ay ipinadala siya sa Iloilo at sa Corregidor. Ang kurso niya sa edukasyon, ang matataas na mga marka niya sa West Point at ang magagandang puna sa serbisyo ay magagandang punto upang mahirang siyang guro sa Philippine Military Academy noong 1916.

Higit na mahihirap na gawain ang binalikat ni Vicente nang ilipat siya ng pwesto sa Sulu, tapos ay sa Zamboanga at nang huli ay sa Fort McKinley sa Rizal. Ang katatagan sa sarili ay naging dahilan upang hirangin siyang Kapitan noong 1922 at Major noong 1923. Sa mga promosyong tinanggap, inisip niyang kailangan pa niyang makapag-aral upang lalong maging eksperto sa siyensiya militar. Dahil dito, pamuli siyang nagpunta sa Amerika at nag-aral sa Infantry School sa Kansas at sa Army War College sa Washington DC. Ang mga pag-aaral na ito ay isinagawa niya mula 1926 hanggang 1929.

Sa pagbabalik sa Pilipinas ay nanungkulan si Vicente bilang ROTC Commandant ng Colegio de San Juan de Letran. Naging ganap siyang Colonel nang magretiro sa serbisyo noong 1936.

Kahit nakapagbigay na ng humigit dalawampung taon sa US Military Service ay batang-bata pa rin si Vicente sa edad na 47 upang mamahinga. Tinanggap niya ang alok na maging Brigadier General sa Philippine Army.

Ang kahusayan at katapangan ni Vicente ay naipakita niya nang pamunuan niya ang ilang pakikipagdigmaan laban sa mga Hapon mula Abucay hanggang Mt. Natib sa Bataan. Kahit kulang sa tauhan at mga pangangailangang militar, nakipaglaban sila nang buong tapang hanggang mapilitang sumuko noong Abril 9, 1942.

Hindi matanggap ni Vicente na iyuko ang ulo sa mga kaaway. May respeto siya sa sarili bilang militar. May paggalang din siya sa sarili bilang Pilipinong nakikipagdigmaan. Kung hindi makuha sa harapan, naniniwala siyang dapat siyang lumaban sa ibang paraan. Kaya naging aktibo siya sa pailalim na pakikipagdigmaan.

Matapos pakawalan sa Concentration Camp ng Capas, Tarlac, nagkunwari siyang pasyente ng Philippine General Hospital upang makapagbigay ng sikretong impormasyong pandigmaan sa mga kapwa niya gerilya.>
Bagama’t walang pinanghahawakang ebidensiya, alam ng mga Hapon na matinik na kaaway si Vicente. Upang makasama nila ang mahusay na Heneral ay inalok dito   ng   mga   Hapon   ang   posisyong   Chief  of Staff.

Hindi masikmura ni Vicenteng panigan ang mga kaaway. Para sa kanya, hanggang kamatayan ang pakikipagdigmaan.

Bilang Kumander ng Fil-American Guerilla, si Vicente kasama ng ilang kapanalig ay nagbalak magdaan sa Marinduque. Plano niyang pulungin ang maraming gerilya doon, palawakin ang mga mandirigma sa mga lalawigan at palihim na sumakay sa submarinong papuntang Australia. Sa kasamaang palad, sa Mindoro pa lamang ay naharang sila ng mga Japanese Naval Patrol. Nahulihan siya sa sasakyang dagat ng baril, radyo at transmiter. Kasama ang mga kaibigang gerilya ay dinala siya sa Mindoro Oriental at inimbestigahan. Nang malaman ng mga Hapon na pinuno siya ng mga gerilya, si Vicente na may sikretong pangalang Edmund P. Ellsworth ay dinala kaagad sa Maynila at ikinulong sa Fort Santiago. Sa nabanggit na kulungan tinanggap ni Vicente ang sobrang pagpapahirap. Alam ni Vicenteng lumalawak na ang sistemang gerilya sa panahon ng digmaan at kaunting panahon na lang ay darating na ang mga Amerikanong magpapalaya sa bansa. Ang bawat pagpapahirap ay taos pusong tinanggap ni Vicente alang-alang sa bayan. Ang kagimbal-gimbal na oras ay dumating nang ilipat sa Bilibid Viejo si Vicente. Mula sa kulungan ay dinala siya kasama ng mga kapanalig sa Sementeryo del Norte at doon tinanggap ang parusang kamatayan.


Bago tanggapin ang pinakamasakit na parusa ay ipinakisabi ni Vicente sa maiiwang asawa at mga anak na nanindigan siya sa ngalan ng pananagutan, karangalan at kabansaan.

Si Vicente Lim ay mapagmahal na asawa, maalahaning ama, dakilang bayani at marangal na Pilipino sa oras ng kapayapaan at sa panahon ng digmaan.





Tuesday, July 21, 2009

Juan M. Flavier



Si Juan Martin Flavier ay isang politiko sa Pilipinas. Dati siyang Sekretaryo ng Kagawaran ng Kalusugan at isang senador. Nagsanay siya bilang isang manggagamot at tumanggap ng degri sa medisina mula sa Unibersidad ng Pilipinas noong 1960 at may Master sa Kalusugang Pampubliko mula sa Pamantasang Johns Hopkins. Bago maitalaga bilang Sekretaryo ng Kalusugan, naglingkod muna siya para sa mga mamamayan ng baryo sa Nueva Ecija at Kabite. Naging pangulo siya ng Philippine Rural Reconstruction Movement noong 1977. Mula 1978 magpahanggang 1992, siya ang pangulo ng International Institute of Rural Reconstruction.

Edukasyon

Nagtapos siya ng elementarya at ng hayskul sa Lungsod ng Baguio. Tumanggap siya ng duktorado sa pagkamanggagamot mula sa Unibersidad ng Pilipinas noong 1960. Nahalal siya bilang isa sa mga Ten Outstanding Young Men of the Philippines noong 1967 dahil sa kaniyang mga nagawa para sa pagpapaunlad ng mga pook na may katayuang rural.

Sa Kaunlarang Panlipunan

Itinuturing na isang pandaigdigang dalubhasa sa pagpapaunlad ng komunidad si Flavier. Naging pangalawang-pangulo siya ng departamento ng kalusugan sa International Institute of Rural Reconstruction sa Silang, Kabite, kung saan naging tungkulin niya ang pagsasanay ng mga tauhan. Nagsilbi rin siya bilang tagapayo sa isang pribadong kumpanya at tatlong tanggapang pampamahalaan ng Pilipinas. Kabilang dito ang Philippine Rural Reconstruction Movement (PRRM) o Pararam (pinaikling pangalan ng organisasyon PRRM, at mula sa Pilipinong bigkas ng mga titik na P-R-R-M), ang Presidential Arm on Community Development, ang Department of Social Welfare, at ang Technical Committe on Community Development of the Philippine Senate. Nagtrabaho siya para sa Pararam ng walong taon, kung saan naging pangulo siya nito mula 1967 hanggang 1968.

Pulitika

Noong 1992, itinalaga siya ni Pangulong Fidel V. Ramos para maging Sekretaryo ng Kagawaran ng Kalusugan. Pinasimulan ni Flavier ang iba't ibang mga programang pangkalusugan katulad ng Oplan Alis Disease, Kontra Kolera, Stop TB, Araw ng Sangkap Pinoy, Family Planning at Doctor to the Barrios Program.

Noong 1995, tumakbo siya sa pagka-senador sa ilalim ng tiket ng administrasyon. Muli siyang nahalal bilang senador noong 2001, kung kailan pumangalawa siya sa hanay ng 12 mga nagwaging mga kandidato. Sa Senado, inakdaan niya at tinangkilik ang mga lehislasyong katulad ng Traditional Medicine Law (Batas Pangnakagawiang Panggagamot), Poverty Alleviation Law (Batas na Nagaangat mula sa Kahirapan), Clean Air Act (Batas Pang-malinis na Hangin), at Indigenous People's Rights Act (Batas Pang-karapatan ng mga Mamamayanang Indihena).

Mga aklat

    * Doctor to the Barrios (Manggagamot sa mga Baryo)

Sunday, June 21, 2009

Hal Santiago






Ang pangalang Hal Santiago ay bantog sa mga nobelang gaya ng Pinoy Haudini, Talim, at ang The Hands. Ang  The Hands ang nagbigay sa kanya ng karangalan bilang Best Written and Illustrated Novel by an Artist from the komiks contributors' association,(WIKA) noong 1984.

Talambuhay

Isinilang noong 1935, isa sa pinakamagagaling na Pilipinong ilustrador si Dominador “Hal” Santiago. Nagsimula siya sa kaniyang karera bilang isang dibihista sa Bulaklak Magazine noong unang mga taon ng dekada 50's. Siya ay naging isang freelance artist ng iba't ibang mga publishing houses na naglilimbag ng mga komiks-magazines.

Bilang isang Dibuhista

Noong kalagitnaan ng dekada 60's, sinimulan ni Hal ang kaniyang pakikipag-ugnayan sa kaniyang kaibigan at idolo, ang sikat na Amerikanong ilustrador na si Hal Foster na gumuhit ng Tarzan noong 1929. Nagbigay daan ang kanilang pagiging malapit upang magkaroon ng lakas ng loob si Hal na subukan ang mundo ng komiks. Ang kanyang idolo ang kanyang naging inspirasyon at siyang naging ugat nang pagsilang ng isang Hal Santiago.

Taong 1967 nang siya ay pumasok sa PSG Publications na pagmamay-ari ng isa ring manunulat ng komiks na si Pablo S. Gomez. Sa mga panahong ito nilikha ni Hal ang kanyang mga dibuho sa mga obra na gaya ng ”Durando”, “Kuwatro”, at ”Ang Kampana ng Sta. Quiteria”. Bagama't bahagyang naimpluwensiyahan ng isa ring manunulat ng komiks na si Nestor Redondo ang kaniyang mga likha, kinalaunan ay napaunlad niya ang kaniyang sariling istilo. Ang kaniyang kahusayan at angking galing sa pagguhit ay kinikilalang tanyag hanggang sa kasalukuyang panahon.
 
Mga Obra at Parangal

Dekada 70's nang sinubukan ni Hal na gumawa ng sarili niyang mga nobela, at ang lahat ng mga ito ay naging mga katangi-tanging mga graphic novels . Ilan sa mga ito ay ang “Pinoy Houdini”, “The Hands”, “Talim”, at ang "Weird Science".

Nakilala din si Hal sa kaniyang unang nobela sa komiks, ang “Tatlong Hari” na iginuhit para sa “United Komiks”, na isinulat ni Rene Rosales at nilimbag ng PSG Publishing House. Bilang isang Class A na dibuhista sa Atlas Publications, siya ay nakipagtulungan sa mga kilalang mga personalidad sa larangan ng komiks katulad nila Jim M. Fernandez, Vic J. Poblete, at Carlo J. Caparas upang gumuhit sa isa sa mga katangi-tanging nobela ni Danilo Roman, ang Shanghai Joe.

Ayon kay Jim M. Fernandez, isang manunulat ng komiks, itinuturing niya si Hal Santiago bilang ”Raphael of Komiks Illustrators”.